Sabi nila tama na ang pagmamahal. ‘Di na kailangang gumastos para lang makasama ang iyong pinakamamahal (o sabihin na nating “mahal” lang, kase sabi ni Ate Shawi kung may “pinakamamahal”, merong No. 2 and No. 3). At sabi ni Rico J., tama na ang mamasyal sa Luneta na walang pera.
Ngunit pustahan tayo, ngayong malapit na naman ang araw ng mga puso sa Pebrero, iniisip mo kung paano tustusan ang binabalak na Valentines date kasama ang iyong mahal o kasintahan.
Hindi mo iniisip? Ah, siguro guwapo ka, pare. Swerte mo, men, mangyari pang ikaw ang gagastusan. Kay swerte nga naman ng ibang lalaki sa mundo, guwapo na marami pang pera. Kaming hindi masyado maswerte, guwapo lang (hehehe, walang aangal). Kahit na guwapo pa tayo, este, guwapo ka pa, siguro naman magiging gentleman ka at gagastos pa rin.
Sabihin na nating nagkukuripot ka. Magkano na ba ngayon ang minimum fare sa jeep? Sine? Popcorn? Softdrink? Valentine gift? Haircut? Load (at minsan, pasa-load) ng text sa cellphone? At kung “mamalasin” ka, babayad ka pa sa motel.
O sabihin na nating may kaya ka — gastos pa rin, dude. Gas sa car. Fine dining. Romantic getaways. Who knows your stocks, investments or job have been badly affected by the economic crisis. It seems love isn’t cheap.
Hindi naman natin sinisiraan ang mga babae. No, hindi. Sino nga ba yung may sabi na ang babae, minamahal. E kasalanan mo kung baket mo niligawan at baket ka gumagastos. Kahit alam mo na magastos magmahal, nagmamahal ka pa rin at gumagastos. Pag-ibig nga naman.
Sige, sabihin na natin na split kayo ng bill ng apple of your eye. Hati sa bayaran sa romantic date. ‘Ika nga ni Richard Gomez: Pwede! Pero sasabihin ko sa ‘yo, pare: huwag na, at babalik rin yan sa ‘yo. It will come back, sooner or later, to bite your sorry a**. Pag nag-break kayo ng girlfriend mo, malamang sasabihin niya sa mga kaibigan nya na: “Ok lang yun, kuripot naman yun!” O kung magkatuluyan nga kayo at magkaanak, ikekwento nya sa inyong mga anak (at sa kanyang mga kaibigan) ang kaisa-isang pagkakataong siya ang nagbayad dahil naiwan mo ang wallet mo (na totoo naman na naiwan). Wala kang lusot, pare.
Kaya huwag mo kalimutan ang wallet ngayong Valentines Day at bayaran mo ng buo. Trust me. I think I know what I’m saying.