Huli man at magaling, ay huli pa rin =)

Siguro sasabihin nila na jologs ako kung sasabihin ko na ikaw ang isa sa mga recognizable na mukha sa TV sa inyong henerasyon (eh kase po, nasa kasunod akong henerasyon =) Ang alam ko, ang segment po ninyo ang inaabangan ng nakakarami, bago pa nakilala ng aming henerasyon si kwelang Mark Logan (sir mark, pwede po bang ibalik nyo sa dating format? mas nakakatawa po ‘yon eh).

Balita ko po, taga-Cavite ang inyong ugat. Hindi ko lang sigurado kung “probinsyano” po kayo, kse hindi ko alam kung maituturing na probinsya ang Cavite. At kahit na hindi ko kayo maiilathala sa katergoryang “Proud Probinsyano”, kasiyahan ko na pong pahalagahan kayo sa aking mumunting blog.

Naisip ko lang po, kung tutuusin, nakakalunglot (at nakakatakot) na makitang unti-unti nang nalalagas ang mga institusyon ng ating lipunan. Kayo po, kasama na si Ka Kiko, ay lagi ko pong pinapanood. Sa politika at legal na propisyon….pumanaw na rin po ang kagalang-galang (at ‘yan ang totoong kagalang-galang) na Haidee Yorac, pati na rin si Justice Cecilia Munoz-Palma. Tumatanda na rin po si Ka Jovy Salonga (ngunit balita ko ay bumabata ang puso =), at ako po’y tumitingin-tingin sa palibot kung sino ba ang pwedeng susunod sa kanyang napakalaking yapak…na tunay na paglingkuran ang ating Inang Bayan.

Nakakatakot po.

Ngunit wala po kaming magagawa kung kunin na kayo ni Lord. Ewan ko po ba, kung baket Niya maagang kinukuha ang mga mababait. Kung pwede lang po iboto kung sino ang mauuna e…teka, ‘wag na lang po tayong pumunta dun at wala rin namang patutunguhan (eh kase, palagi naman silang panalo sa botohan).

Mabalik nga po ako sa inyo. Siguro pagod na po kayo sa kakasunod sa takbo ng panahon. Siguro po napagod na ang inyong utak sa kaka-memorize sa encyclopedia. Sana, kahit na magkalaban ang inyong istasyon, ay pahalagahan kayo ng Eat Bulaga! bilang Pinoy Henyo.

Salamat po sa inyong serbisyo sa Bayan. Salamat sa mga alaala na iniwan po ninyo sa aming manonood na hindi nyo man kilala, ay kinilala kayo. Ahhh…mga alaala. Hindi ko po alam saan magsimula…andami po kase. Siguro ang isang alaala na angat sa lahat…ay ang alaalang….kung walang knowledge, walang power!

Paalam, Ka Ernie.

Baaabyeeee!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

*